arch 11, 2011 isang pangkaraniwang araw para sa ilang mga mag-aaral ng Mapulang Lupa National High School, maaliwalas ang panahon maririnig na nagkaklase ang ilang mga mag-aaral ngunit mababanaag sa entablado ng paaralan na may mga abala sa paglalagay ng dekorasyon. Habang papalapit ang ikatatlo ng hapon ay parami na ng parami ang mga batang may edad 5 hanggang 9 ang nagdadatingan kasama ang kanilang mga Ina. Papalakas ng papalakas ang pintig ng aking puso. Maya maya lang ay sasalang na ako.
Ito ang kauna-uhang pagkakataon na magkakaroon ng Gawaing Pangkomunidad ang aming paaralan na kung tawagin ay “Masining na Pagkukwento…May Libre Pang Libro!” at sa abot ng aking pagkakaalam, ito rin ang una sa Valenzuela.
Sa pangunguna ni G. Roderick Alo bilang tagapagugnay sa Filipino ay pinulong niya ang mga guro sa Filipino at ilang piling mag-aaral upang ipaliwanag ang kanyang plano para sa nalalapit na Gawaing Pangkomunidad. Matapos ang pag-uusap ay napagkasunduan na 3 guro at 4 na mag-aaral ang magsisilbing kwentista sa nasabing araw ng kwentuhan at inimbitahan ang 50 kabataan na may edad 5 hanggang 9 kasama ang kanilang magulang upang maging tagapakinig.
Wala pang ganap na ikatlo ay dumating na ang aming kinatawan ng ikalawang Distrito sa kongreso na walang iba kundi si Kgg. Cong. Magtanggol “Magi” Gunigundo at dahil dito ay hindi ko na maipaliwanag ang aking nararamdaman. May tila isang bagay na nais kumawala sa aking katawan na pilit ko namang pinipigilan. Marahil ay dala lamang ito ng aking labis na kaba. Isa kasi ako sa mga napiling maging kwentista. Maya maya pa ay dumating na din sina Kgg. Konsehal Cecil V. Mayo ng ikalawang distrito, Kgg. Kagawad Gregoria Vengano - Puno ng Komite sa Edukasyon ng Barangay Mapulang Lupa, Ang mga kasapi ng pamunuan ng PTA para sa taong 2010-2011 at ang mga kumatawan sa aming Tagamasid Pansangay sa Filipino na si Gng. Rosarie R. Carlos na sina Gng. Sherly Salva at Chanon Gay Perez na pawang mga kasapi ng Taetro Guro sa Valenzuela.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang awit panalangin na pinangunahan ng Red Soil Artist at sinundan ng Pambansang Awit ng Pilipinas sa pangunguna ni Marlene Fontelo ang kumatawan sa pamunuan ng Filipino Klub.
Nagpalakpakan ang lahat ng ibigay ni Laarni Laforga (tagapagpadaloy) ang hudyat na ang programa ay pormal ng sisimulan at tinawag niya si G. Meliton P. Zurbano ang aming punongguro upang magbigay ng bating pagtanggap. Binati ni G. Meliton ang lahat at masayang tinanggap sa aming paaralan at pinuri si Cong. Gunigundo dahil sa napakalaking kontribusyon nito para sa mabilis na pagkatuto ng mga mag-aaral sa buong Pilipinas dahil sa kanayang iminungkahing batas tungkol sa paggamit ng wikang kinagisnan upang magsilbing wikang panturo sa mga mag-aaral sa paaralan at binigyan niya ito ng katawagan bilang “AMA NG WIKANG KINAGISNAN” at natuwa naman si Cong. Gunigundo sa kanyang narinig.
Nang si Cong. Gunigundo naman ang hinilingan ng mensahe ay nagpahayag ito ng pasasamat sa ating paaralan dahil sa napakahusay na gawain na ating sinimulan. Matapos batiin ang lahat ay ibinahagi ng butihing kinatawan ang halaga ng paggamit ng wikang kinagisnan sa mabilis na pagkatuto ng mga mag-aaral at ang kaugnayan ng ating proyekto sa kanyang isinulong na batas. Ayon sa kanya masaya siya sa ibinigay na katawagan ni G. Meliton na Ama ng Wikang Kinagisnan kaysa tawaging AMA NG WIKANG SINUSO pabirong nabigkas ng masipag na kinatawan.
Binigyan din ng pagkakataon na magbigay ng mensahe ang lahat ng panauhin at hindi nagtagal ay sinimulan na rin ang kwentuhan.
Makikitang ang lahat ng mga bata ay masayang nakikinig sa mga kwentista at maging ang kanilang mga Ina. Matapos magkuwento ni Jommel Berdera (mag-aaral mula sa IV – RN) ay nagtanong siya sa dalawang bata at dalawang nanay at nagbigay ng regalo matapos nitong makasagot.
Makikita sa mata ng mga manood na sila ay natutuwa sa kanilang pinakikinggan sapagkat sila ay may natututunan sa mga kwento. Dahil dito ay masayang masaya si G. Alo sa naging reaksyon ng mga taong nakibahagi sa nasabing gawain. Siya ay nagpasalamat sa lahat ng tumulong at nakibahagi. Maraming salamat kay Cong. Gunigundo dahil sa kanyang ibinigay na mga libro, meryenda at tarpaulin, kay Vice Mayor Eric Martinez na nagbigay din ng libro, kay Konsehal Cecil Mayo na dumalo at nagbigay ng tulong pinansyal gayundin sa iba pang konsehal na sina Kon. Adrian Dapat, Kon. Lorie Natividad Borja, Kon. Kate Galang-Coseteng, Kon. Lai Nolasco at kay Kagawad Gregoria Vengano na nakiisa sa nasabing pagdiriwang. Bagamat hindi nakarating si Gng. Carlos ay labis din kaming nagpapasalamt sa kanyang ipinakitang suporta sa pamamagitan ng pagpapadala ng kinatawan.
Matapos ang nasabing kwentuhan ay binigyan ang lahat ng mga bata ng libro na kanilang napakinggan at kitang - kita sa kanilang mga mukha ang kasiyahan at pananabik sa kanilang mga natanggap. Maging ang mga magulang ay may naiuwing regalo mula sa Departamento ng Filipino kaya naman masasabing tagumpay ang proyektong ito.
“Today a reader, tomorrow a leader” ito ang pahayag na nagpapakita ng kahalagahan ng pagbabasa. Sa pamamagitan ng mapanuring pagbabasa ay maraming natutunan ang mambabasa na makatutulong sa kanya upang maging matagumapay sa buhay. Ang pag-unlad ng mga batang nakinig sa aming pagkukwento ay tagumpay ng aming komunidad at ang tagumpay ng aming komunidad ay tagumpay ng ating bayan. Ito ang paniniwalang nagtutulak sa amin upang pagplanuhan ang “Masining na Pagkukwento…May Libre Pang Libro! Year 2”
Hay…salamat! Natapos din ang aking kaba at sa maniwala kayo o hindi napalitan ito nang pagnanasa…tama! Pagnanasa na makatulong pa sa aking komunidad!